Artikulo – Pekeng E-Commerce 1
Pagtukoy ng mga Pekeng E-commerce Site base sa Design
Ang pag-usbong ng online shopping ay nagdala ng kaginhawahan sa marami, ngunit ito rin ay nagbigay daan sa mga mapanlinlang na e-commerce website. Ang pag-unawa sa mga elemento ng design o visual aspects ay maaaring makatulong sa iyo upang matukoy ang tunay at pekeng e-commerce site.
Larawan
Ang mga larawan ay may malaking papel, kaya siguraduhin na ang logo na nakikita sa e-commerce website ay malinaw, nababasa, at tugma sa logo na inyong kilala. Ayon kay Pong Enaje, ang Officer In Charge ng Information Security Office ng GSIS,
“If the logo is not really okay, may mga distortion, and sometimes hindi mo maintindihan kung ano yung logo na yun, even the name, then you think about it [kung ang logo ay hindi gaano ka-okay, may mga pagkabaluktot, at minsan hindi mo maintindihan kung ano yung logo na yun, kahit ang pangalan, pag-isipan mo muna]” (2024).
Kulay
Ang kulay ay isa pang mahalagang tanda. Ang mga pekeng website ay maaaring gumamit ng magkaibang kulay kumpara sa tunay na website na kanilang ginagaya.
Natuklasan nina Saw at Inthiran na ang maayos na mga scheme ng kulay ay mahalaga para sa pagpapahayag ng katiyakan at propesyonalismo (2022). Halimbawa, kung ang madalas na orange na website ninyong pinupuntahan ay biglang iba na ang ginagamit na kulay, maaring peke iyan (Enaje, 2024).
URL
Ang URL, o web address, ay isa rin sa mahahalagang bahagi. Ayon kay Jonathan Pineda, OIC ng Information Technology Services Group ng GSIS,
“Mas mapagkakatiwalaan ang isang website kapag ang URL nito ay naguumpisa sa “https” at hindi “http” (2024).
Mahalagang bigyan pansin din na tama ang spelling ng URL ng website na inyong pinupuntahan.
Sinabi rin ni Pineda na maaari daw na ipagpalit ng mga scammer ang ilang letra sa URL gamit ang letra mula sa ibang wika para magmukhang katulad ng kanilang ginagaya.
Dagdag pa nya, mas mainam na ikaw mismo ang mag-type ng URL imbis na mag-click ng isang link para makaiwas sa mga clickbait na madalas na ginagamit din ng mga pekeng websites.
Sa pamamagitan ng pagtuon sa mga elemento ng visual na disenyo na ito—larawan, kulay, at URL—mas madali nating matutukoy ang mga pekeng e-commerce website. Tandaan, makipag-ugnayan lamang sa mga websites na kilala na at may mabuting reputasyon at huwag magbigay ng anumang sensitibong impormasyon sa mga kahina-hinalang website.
Mga Sanggunian:
J. Pineda, personal communication, July 19, 2024
P. Enaje, personal communication, July 26, 2024
Saw, C. C., & Inthiran, A. (2022, March 25). Designing for Trust on E-Commerce Websites Using Two of the Big Five Personality Traits. ResearchGate; MDPI. https://www.researchgate.net/publication/359531257_Designing_for_Trust_on_E-Commerce_Websites_Using_Two_of_the_Big_Five_Personality_Traits