Artikulo – Pekeng E-Commerce 2
Senyales ng Panloloko sa Layout at Navigation ng E-commerce Site
Ang pamimili sa mga online shops ay maaaring mapanganib lalo sa pagdami ng mga pekeng e-commerce websites. Ang pag-unawa sa layout at contact information ng isang website ay makakatulong sa iyong pagtukoy ng posibleng scam.
Ang mga pekeng site ay karaniwang nagpapakita ng ilang mga depekto sa kanilang disenyo, kabilang ang madalas at maraming pop-ups, kulang o di kumpletong pages, at kulang na contact information ng pagbibilhan.
Pop-ups
Ang mga lehitimong website ay naglalayon na magbigay ng magaan at walang sagabal na karanasan sa pamimili, samantalang ang mga pekeng website ay kadalasang natatabunan ng maraming pop-ups.
Ayon kay Jonathan Pineda ng GSIS, kapag nag-click ka sa mga pop-up sa mga pekeng e-commerce website, maaari silang mag-install ng mga mapaminsalang programa sa iyong computer (2024). Kung hindi protektado ang iyong computer, maaari nitong ikompromiso hindi lang ang iyong device kundi pati na rin ang iba pang device na nakakonekta sa iyong home network.
Ang layunin ng mga pop-up na ito ay biguin ka sa pag-click ng mga ito, at bigyan ng pagkakataon ang mga scammer na magdulot ng mas maraming pinsala at posibleng maniktik sa iyong mga aktibidad.
Kulang na Pages
Ayon kay Pineda, madalas na ginagaya ng mga pekeng website ang login page ng mga totoong website tulad ng mga bangko, upang manakaw ang inyong personal na impormasyon (2024).
Maaaring magdagdag ang mga scammer ng karagdagang mga tanong para makuha ang mga sensitibong datos tulad ng inyong password at kaarawan. Madalas na mas kaunti ang mga page ng mga pekeng site kumpara sa totoong mga site.
Halimbawa, sa halip na maraming subpages, baka tatlo lang ang laman nito. Kung pamilyar ka sa totoong site, mapapansin mo agad kung may kakaiba, tulad ng nawawalang mga pahina o kakaunting menu options. Laging suriin ng mabuti ang site para makita ang mga palatandaang ito.
Contacts at Security
Ayon naman kay Pong Enaje, OIC ng Information Security Office ng GSIS, ang kawalan ng contact information, tulad ng phone number o email, ay isang malinaw na senyales ng pekeng e-commerce site (2024).
Kung wala kang nakikitang paraan para magreklamo bilang customer, mag-ingat at iwasan ang ganitong mga website. Isa pang tanda ay kung walang security features sa pagbabayad, tulad ng OTP o “one-time password.” Kapag walang ganitong proteksyon, mag-ingat dahil maaaring pekeng website ito. Laging tiyakin na may mga detalye ng contact at seguridad bago magpatuloy sa pagbili online.
Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga elementong ito—pop-ups, pages, contacts, at security—mas madaling matutukoy ang totoo sa pekeng e-commerce website.
Mga Sanggunian:
J. Pineda, personal communication, July 19, 2024
P. Enaje, personal communication, July 26, 2024